Tinalakay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Czech Republic President Petr Pavel kung ano pang mga paraan para mapalakas ang bilateral cooperation at multilateral partnership, maging ang potensyal sa pagpapataas ng bilateral na kalakalan sa pagitan ng ating dalawang bansa.
Sa isinagawang joint press conference na ginanap sa Octagon Hall, Prague Castle, sinabi ni Pangulong Marcos na naging produktibo ang kanilang pulong ni Presidente Pavel na siyang simula sa malaking potensiyal na kooperasyon sa ibat-iba ng larangan.
Sinabi ni Pangulong Marcos na kanilang ginalugad ang mga pagkakataon para sa hinaharap na pakikipagtulungan sa kalakalan at pamumuhunan, agrikultura, green economy at renewable energy, space and aerospace, edukasyon, turismo, depensa, cybersecurity, at paggawa.
Sinabi ng punong ehekutibo na nananatili siyang optimistiko na ang Pilipinas ay makakaakit ng mas maraming Czech na mangangalakal at mamumuhunan na magnegosyo sa bansa “bilang resulta ng mas mataas na pakikipag-ugnayan” sa pagitan ng mga sektor ng negosyo ng dalawang bansa.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na inaasahan niya ang ika-2 pagpupulong ng Philippines-Czech Republic Joint Committee on Economic Cooperation (JCEC) sa Maynila sa huling bahagi ng taong ito.