Magsasagawa ng “friendly consultation” ang Pilipinas at China, matapos na muling uminit ang usapin ng Arbitral Tribunal ruling sa West Philippine Sea, kasabay ng ikaapat na anibersaryo mula nang maibaba ang hatol.
Nitong nakalipas na araw, sinabi ni US Secretary of State Mike Pompeo na ang patuloy na pag-aangkin ng Beijing sa malaking parte ng South China Sea ay labag sa batas at maging sa hatol ng The Hague noong July 2016.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nabuo ang planong konsultasyon makaraang magkaroon ng virtual meeting sina Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin Jr. at Chinese Foreign Minister Wang Yi.
Nangako naman ang dalawang panig na kikilos na may respeto para sa maritime cooperation sa kontrobersyal na bahagi ng karagatan.
Nitong nakalipas na araw ay iginiit ng Chinese official na hindi nila kinikilala ang The Hague ruling dahil hindi naman sila konektado sa naturang tribunal at hindi rin nakibahagi sa mga pagdinig.
Habang naninindigan naman ang Pilipinas na “non-negotiable” ang hawak na hatol na pabor sa ating bansa.