Iniulat ng isang independent global maritime research organization na naging maganda ang performance ng mga Philippine ports nitong nakalipas na taon.
Batay sa inilabas na report ng Drewry Maritime Research, maituturing na pinakamatatag sa Southeast Asia ang performance ng Philippine ports sa nakalipas na taon.
Ayon kay Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Daniel Santiago, ang magandang performance na ito ay produkto ng commitment, pagsisikap, at transparency ng PPA.
Maliban dito, naging maganda rin aniya ang pagtatag ng PPA ng ibat ibang mga port infrastructure na ‘at par’ sa global standards.
Dahil dito, nangako ang opisyal na lalo pa nilang patatatagin ang mga pwerto sa Pilipinas upang matugunan nito ang global demand.
Lumalabas din sa report na ang Port of Manila ang bukod-tanging pwerto sa buong SouthEast Asia na may double-digit growth, kumpara sa pinakamalalaking mga pwerto sa buong rehiyon na pawang sigle-digit lamang ang naitalang pagtaas.
Sinusukat ng Drewry report ang pagiging epektibo ng mga pwerto sa pamamagitan ng Twenty-foot Equivalent Unit (TEU). Ang TEU ay siya ring ginagamit upang sukatin ang kapasidad ng mga container ships at mga terminals.
Noong 2022, nakaya ng Port of Manila na i-accomodate ang kabuuang 5, 474, 484 TEU. Mas mataas ito ng sampung porsyento kumpra sa 4,976, 014 TEU noong 2021.
Maliban sa Port of Manila, nakitaan din ng magandang performance ang iba pang pwerto sa Pilipinas, katulad ng Port of Cebu, Port of Davao, at iba pa.