-- Advertisements --

Puwedeng umapela pero manipis na lamang umano ang tiyansa na tanggalin sa “blacklist” ng Bureau of Immigration (BI) ang pangalan ng convicted at napagkalooban na ng pardon na si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Ayon kay Justice Usec. at Spokesman Markk Perete, mayroon umanong mga procedures para matanggal ang pangalan ng isang banyaga sa blacklist pero walang garantiya na pagbibigyan ito ng Immigration bureau.

Depende raw kasi ang pag-lift sa blacklist sa nagawang krimen ng mga banyaga lalo na’t inamin mismo ng sundalo ang nagawa nitong krimen o ang pagpatay sa transgender woman na si Jeffrey Laude alyas Jennifer.

Maliban dito, prerogative na rin umano ng pamahalaan kung papayagan pa ang isang banyagang makabalik dito sa bansa.

Una rito, sa panayam ng Bombo Radyo Philippines sinabi ni Atty. Rowena Garcia-Flores na umaasa siyang makakapagbagong buhay na si Pemberton pagbalik sa kanilang bansa lalo na’t plano raw nitong ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.