-- Advertisements --

Nagpaliwanag ang Bureau of Corrections (BuCor) kung bakit hindi tugma ang kanilang computation sa good conduct time allowance (GCTA) ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa kwenta ng Olongapo City Regional Trial Court (RTC).

Ayon sa BuCor hindi raw kasi nila isinama ang isang taong pagkakakulong ni Pemberton sa bago masintensiyahan noong December 2015 at hindi pa nila hawak ang sundalo.

Dahil dito, sa computation ng BuCor bitin pa ng 10 buwan ang pagkakakulong ng Amerikanong sundalong umamin sa pagpatay sa tranagender woman na si Jeffrey alyas Jennifer Laude.

Dagdag ng BuCor, ang pinuno o jailwarden lang ng piitan kung saan siya nakapiit ang puwedeng magbigay ng GCTA credits.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo Philippines kay Department of Justice (DoJ) Usec. at Spokesman Markk Perete, sinabi nitong maging ang justice department ay ire-review raw ang computation ng iginawad na GCTA kay Pemberton.

Sa susunod na linggo kasama ng DoJ ang Office of the Solicitor General (OSG) na maghahain ng apela sa desisyon ng Olongapo City RTC na palayain na ang sundalong Amerikano.