-- Advertisements --

Pinuri ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil sa ipinakita nitong malasakit at matatag na pamumuno para sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng paglagda sa Executive Order (EO) Nos. 100 at 101.

Ayon kay Dy, patunay ang dalawang kautusan na lubos na nauunawaan ng Pangulo ang mga suliraning kinahaharap ng sektor ng agrikultura, at determinado itong ibalik ang dignidad at katatagan ng mga nagpapakain sa sambayanan.

Ipinaliwanag ng Speaker na layon ng EO 100 na magtakda ng makatarungang floor price o pinakamababang presyo ng palay upang maprotektahan ang mga magsasaka laban sa labis na pagbaba ng presyo tuwing anihan. 

Sa ganitong paraan, aniya, mas magiging matatag ang merkado, tataas ang kita ng mga magsasaka, at mapapalakas ang seguridad sa pagkain ng bansa.

Samantala, binigyang-diin din ng Speaker ang kahalagahan ng EO 101, na nag-uutos sa lahat ng pambansa at lokal na ahensya ng gobyerno na direktang bumili ng produkto mula sa mga rehistradong kooperatiba at samahan ng mga magsasaka at mangingisda, alinsunod sa Sagip Saka Act.

Sinabi ni Speaker Dy na ang EO 101 ay nagbibigay ng bagong pag-asa sa mga nasa likod ng ating pagkain. 

Bago pa man ipalabas ang dalawang EO, nakipagpulong si Dy kina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at dating Senador Kiko Pangilinan upang talakayin ang mga panukalang kalauna’y isinama sa mga kautusan. Pinuri rin niya ang Department of Agriculture sa patuloy nitong suporta upang mabilis na matugunan ang mga isyung kinahaharap ng sektor ng agrikultura.

Tiniyak ni Dy na nananatili ang buong-suporta ng Mababang Kapulungan sa mga repormang pang-agrikultura ng administrasyon.

Dagdag pa ni Dy, tututukan ng Kamara ang pagpapatupad ng EO 100 at EO 101 at makikipagtulungan sa Department of Agriculture upang matiyak na maramdaman ng bawat pamayanang agrikultural ang benepisyo nito.