Sumaklolo na rin ang Philippine Coast Guard (PCG) sa ilang mga kababayan na locally stranded individuals (LSIs) na una nang nagtungo sa NAIA Terminal 1 at nagbakasali na makakasakay ng eroplano kahit walang tickets.
Nanguna si PCG commandant, Vice Admiral George Ursabia Jr sa pag-asikaso sa ilang mga stranded upang i-ferry sila patungo ng Davao City at General Santos City.
Isinakay ang mga ito sa BRP Gabriela Silang patungo sa kanilang mga destinasyon na probinsiya matapos mai-stranded sa Metro Manila bunsod pa rin nang ipinatupad na lockdown.
Inaasahang dalawang araw ang itatagal ng biyahe ng PCG ship.
Pero tiniyak naman ng pamunuan ng PCG na libre ang mga pagkain at komportable pa ang kanilang hihigaan.
Meron ding aantabay na medical personnel sa loob ng barko upang pangalagaan ang kalusugan ng mga ito.