-- Advertisements --

Umapela ang lokal na pamahalaan ng Catanduanes na sususpendihin muna ang pagpabalik ng mga locally stranded individuals (LSI) at overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang probinsya.

Ito ay sa kadahilanang sinira ng supertyphoon Rolly ang kanilang quarantine facilities.

Sa ngayon nananatili muna sa iisang quarantine facility ang mga natitirang LSI ngayon sa nasabing lugar.

Ayon kay Catanduanes Governor Joseph Cua, limitado na lamang ang kanilang pondo na natira para itulong sa mga residenteng binaha.

Aniya, wala nang quarantine facilities ang maaaring tumanggap ng karagdagang LSI at OFW pati na rin sa mga bagong COVID-19 cases dahil sinira ng bagyong Rolly ang maraming mga gusali.

Napag-alaman na pitong bayan ng Catanduanes ang nananatiling isolated dahil sa pagkasira ng mga electric post at landslide.

Ang nasabing mga lugar ay kinabibilangan ng Pandan, Caramoran, Viga, Bato, Bagamanoc, Gigmoto, at Baras kung saan hanggang ngayon ay hindi pa rin maaaring madaanan ang ilang kalsada. (with report from Bombo Jane Buna)