-- Advertisements --

Naghahanda na ang rescue teams ng Philippine Coast Guard (PCG) para agad makatuguon sa anumang sakuna ngayong panahon ng tag-ulan.

Ito ay alinsunod sa atas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng mabilis at maaasahang serbisyo sa publiko sa panahon ng tag-ulan.

Ayon kay PCG Commandant Adm. Ronnie Gil Gavan, naatasan ang kanilang deployable response groups (DRGs) na umalalay sa mga lokal na pamahalaan para sa pre-emptive evacuation at rescue operations bunsod ng epekto ng matitinding buhos ng ulan.

Inihahanda na rin aniya ang mga PCG search and rescue (SAR) asset upang mabilis na maka-responde sa mga insidente ng pagbaha o anumang sakuna dulot ng mga pag-ulan.

Tiniyak naman ng PCG Commandant na may mga kasanayan sa pagresponde sa sakuna at search and rescue ops ang mga PCG personnel para masiguro ang kaligtasan ng publiko sa kanilang mga nasasakupan.

Bukod dito, pinaigtung na rin ng PCG ang pagpapatroliya para paalalahanan ang mga mangingisda na manatiling alerto at iwasang mamalaot kung masama ang lagay ng panahon.