-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga mangingisda at marino na iwasan muna ang paglalayag ngayong umaga dahil sa nakatakdang rocket launch ng China. Sa abiso ng Coast Guard District Northeastern Luzon, magsisimula ang rocket launch mula sa East China Sea Launch Area sa Shanghai sa pagitan ng 10:46 hanggang 11:21 ng umaga.

Naitakda rin ang designated drop zone o lugar na inaasahang babagsakan ng mga debris, na matatagpuan 115 nautical miles mula sa Babuyan Island at 129 nautical miles mula sa Sta. Ana, Cagayan.

Pinaalalahanan ng PCG ang publiko na mag-ingat at umiwas sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng debris.

Layunin ng babala na matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisda at marino sa hilagang bahagi ng bansa. Patuloy namang binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon upang agad na makapagbigay ng karagdagang abiso kung kinakailangan.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas pinaigting na seguridad sa dagat sa harap ng mga aktibidad ng China.