-- Advertisements --

Pormal ng ipinakilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si bagong Finance Secretary Ralph Recto at Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Sec. Frederick Go matapos manumpa ang dalawa kaninang hapon sa Malacanang.

Ang dalawa ay mga bagong kasapi ng kaniyang economic team.

Nagpahayag ng kumpiyansa si Pang. Marcos sa kakayahan ng dalawang kalihim para mapalago pa ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng mga hamon na kinakaharap.

Sa press briefing sa Malakanyang sinabi ni Pangulong Marcos na kumpiyansa siyang magiging makakatohanan ang mga nakuha niyang pamumuhunan sa mga bansang kaniyang pinuntahan mula nang maupo siya bilang Pangulo ng Pilipinas.

Ayon sa Presidente ang magiging pangunahing papel ni Secretary Go ay para matiyak na hindi lamang puro memorandum of understaning, numero at letters of intent kundi magiging makatotohanan ito at maramdaman ng publiko.

Sabi ng Pangulong Marcos na layon ng kanilang mga ginagawa ay para mapabuti ang serbisyo patungo sa pag angat ng pamumuhay ng bawat Pilipino at magkaroon ng de kalidad na trabaho.

Naniniwala ang pangulo na ang anumang halaga ng buwis na binabayaran ng isang pilipino ay kailangang matumbasan ng mas mahusay na serbisyo publiko.

Samantala, sa panig naman ni Secretary Recto kaniyang binigyang-diin na ang kaniyang pangunahing tungkulin na kaniyang direktiba sa ahensiya ay ang pagtataguyod ng ease of paying taxes at ang epektibong paggugol sa mga koleksyon ng gobyerno.

Sinabi ni Recto na kaniyang sisiguraduhin na nakakakolekta ng buwis ang gobyerno bilang pantustos sa mga gastusin.

Nilinaw naman ng kalihim na hindi siya magpapatupad ng balasahan sa Department of Finance (DOF) dahil hindi niya ito ugali.

Wala din siyang ipatutupad na panibagong tax measures dahil may existing nang mga panukalang batas o revenue measures na sinertipikahang urgent ng pangulo at inaasahang ipapasa ng mga mambabatas.

Sa kabilang dako, sa panig naman ni Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Sec. Frederick Go kaniyang sisiguraduhin na makahikayat sila ng mga foreign investors para mag invest ng negosyo sa ating bansa.

Ayon kay Go, walang dahilan pa hindi mamuhunan ang mga banyagang negosyante sa ating bansa.