Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na handa siyang ipagkaloob ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) sa sinumang lehitimong ahensya na humiling nito, gaya ng Office of the Ombudsman at Independent Commission for Infrastructure (ICI) na kasalukuyang nagsisiyasat sa mga iregularidad sa mga flood control project.
Ayon sa Pangulo, ikinagulat niya na halos hindi na makuha ang SALN ng mga opisyal sa ilalim ng nakaraang administrasyon.
“Babalik lang tayo sa dating patakaran kung saan mas madali ang access sa SALN,” ani Marcos.
Sinabi rin ni Pangulo Marcos na kung hihilingin ng Ombudsman o ICI ang kanyang SALN, agad niya itong ipagkakaloob.
Kamakailan ay inalis ni bagong Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang mga limitasyon sa pag-access ng publiko sa SALN bilang bahagi ng pagpapatibay sa transparency sa pamahalaan.
Naniniwala ang Presidente na nararapat lamang buksan ang SALN sa mga opisyal ng pamahalaan nang sa gayon maiwasan ang anumang suspecha.
Lumakas ang panawagan sa pagbukas ng SALN sa mga opisyal ng pamahalaan kasunod ng imbestigasyon sa kontrobersiyal na flood control projects.