-- Advertisements --

Pinasisiguro ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., ang maayos na pag repatriate sa mga Filipino sa Israel na nais ng umuwi ng bansa.

Sa ngayon inaayos na ng Department of Foreign Affairs ang pag-uwi sa bangkay ng tatlong Filipino na kumpirmadong nasawi sa giyera sa pagitan ng Israel at mga Hamas militants.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Usec. Eduardo de Vega sa press briefing sa Malakanyang na ang immediate concern ng Pangulo ay ang repatriation sa mga kababayan natin.

Sa ngayon tatlong Pilipino na ang nasawi sa labanan sa Israel.

Kinumpirma naman ni De Vega na ang ikatlong fatalities ay isang 49-anyos na babae tubong Cadiz City, Negros Occidental.

Sinabi ni De Vega na ang biktima ay dumalo sa isang music festival kung saan unang umatake ang Hamas noong Sabado.

Karamihan umano sa mga dumalo sa nasabing kasiyahan ay mutilated ng mga Hamas o kaya ay sinunog.

Kaya kinailangan aniyang isailalim sa DNA testing ang biktima para masiguro nga ang kanilang pagkakakilanlan at ang kaniyang nationality.

Sa ngayon sinabi ni de Vega na nakikipag ugnayan na ang ating embahada sa Israel sa kapatid na babae ng biktima na nasa Kuwait ngayon, ito ay para sa nakatakdang pagpapauwi ng labi ng biktima dito sa Pilipinas.

Iniulat din ni De Vega na sa ngayon tatlo pang Pilipino ang missing o nawawala.

Umaasa ang embahada na buhay pa ang mga ito at nagtatago lamang sa mga bunker o bomb shelters at hindi pa magawang maipaalam na ligtas sila.