Binati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Alex Eala matapos ang makasaysayang pag-abot nito sa final ng Lexus Eastbourne Open, kung saan naging kauna-unahang Filipino na nakarating sa Women’s Tennis Association (WTA) 250 singles final.
Bagamat natalo sa isang matinding three-set na laban kontra sa Australian na si Maya Joint, ipinaabot ng Pangulo kay Eala na ang kanyang tagumpay ay simula pa lamang ng isang matagumpay niyang karera.
“Keep going, your best is yet to come,” sabi ni Marcos, kasabay ng pasasalamat sa natamo nitong tagumpay na nagbigay-pugay sa buong bansa.
Ibinahagi pa ng Pangulo na ang pagkakapasok ni Eala sa final ay isang malaking tagumpay para sa Pilipinas.
Samantala inaasahan na ang susunod na laban ni Eala ay sa Wimbledon, kung saan haharapin niya ang defending champion na si Barbora Krejcikova ng Czech Republic.