-- Advertisements --

Mananatiling nakatuon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paghahatid ng serbisyo sa publiko sa kabila ng pagtaas ng kanyang satisfaction rating.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi naaapektuhan ng resulta ng mga survey ang Pangulo at nananatili itong nakatuon sa pagtatrabaho para sa mga Pilipino.

Batay sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey, tumaas sa 38% ang satisfaction rating ni Marcos noong ikalawang quarter ng 2026 mula 33% noong Marso, habang bumaba sa 45% ang dissatisfaction rating mula 49%.

Dagdag ni Castro, nagsisilbing gabay lamang ang mga survey sa administrasyon upang matukoy ang mga programang dapat pang pagbutihin.

“Ang Pangulo ay hindi po apektado ng numero, tumaas iyan bumaba iyan. Ang focus ng Pangulo ay magtrabaho. Kung ano ang kailangan maipaabot sa ating mga kababayan iyon po ang gagawin ng ating Pangulo at ng administrasyon na ito.  

Sa susunod ulit next month, next week mayroon na namang survey uulitin ko lang po ang aking sagot – tumaas, bumaba ang Pangulo ay hindi apektado ng numero. Tuluy-tuloy lang po ang pagtatrabaho hindi bakasyon,”pahayag ni USec. Claire Catro.