-- Advertisements --

Ipinag-utos ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na muling pag-aralan ang lahat ng mga proyekto at programa ng Department of Agriculture (DA).

Ito ay upang matukoy ng pamahalaan ang posibleng maging solusyon para mas mapababa pa ang halaga ng bilihin at kalakal sa bansa, at kung paano rin epektibong matutulungan ng kagawaran ang ating mga local food producers.

Sa pahayag ay sinabi ni Agriculture Undersecretary for Consumer and Political Affairs Kristine Evangelista na ipinag-utos sa kanila ng pangulo na pag-aralan ngayon kung paano mapapalago ang farm production sa bansa habang binabawasan naman ang cost of production nito.

Dahil dito ay nilalayon ngayon ng kagawaran an i-stabilize ang supply ng commodities sa bansa sa pamamagitan ng pagbubuhos ng tulong sa mga production areas para mapababa naman ang presyo ng mga bilihin pagdating sa mga mamimili.

Samantala, sa bukod naman na pahayag ay ibinahagi rin ni Pangulo Marcos Jr. ang planong pagpapatibay sa programang “farm-to-market road”, at gayundin ang pagsusulong ng iba’t-ibang mga proyektong tiyak na makatutulong sa mga Pilipinong nasa sektor ng agrikultura.

Kung saan mas tututukan pa aniya ng pamahalan ang pagtulong sa mga magsasaka na paigtingin pa ang kanilang rice production sa gitna pa rin ng kasalukuyang iniinda ng mga ito na mataas na presyo ng fertilizer.