Naghain ang kampo ni Vice President Sara Duterte ng urgent motion sa Supreme Court para agad na maresolba ang kanilang hiling na Temporary Restraining Order o TRO laban sa criminal proceedings sa grave threats case.
Inihain ang mosyon noong Setyembre 7, ilang araw matapos maglabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court at magpiyansa ang Bise Presidente.
Nakatakda ang arraignment niya sa Biyernes, Setyembre 11.
Iginiit ng kampo ni Duterte na mabilis nang umuusad ang kaso kaya nanganganib umanong mawalan ng saysay ang kanilang petisyon sa SC na kumukuwestiyon sa pag-usad ng criminal prosecution laban sa isang incumbent impeachable officer.
Batayan nila rito ang sinasabing limited procedural immunity sa ilalim ng 1987 Constitution.
Noong Agosto 21, naghain ang kampo ng Certiorari at Prohibition Petition sa SC para ipawalang-bisa ang mga impormasyon sa grave threats case at mapahinto ang mga paglilitis.
Noong Setyembre 4, humiling din sila sa SC na iparecall ang mga warrant.
Samantala, sinabi ng kampo na dadalo si Duterte sa arraignment bilang pagsunod sa batas.
















