Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mabilis na pamamahagi ng ₱8 bilyong pondo sa mahigit 42,000 barangay sa buong bansa upang makatulong sa mga lokal na pamahalaan sa pagharap sa epekto ng krisis sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, sinimulan ang rollout ng programang “Bawat Barangay Makikinabang” noong Mach 24 nang walang pormal na anunsyo.
Sa ilalim nito, bawat barangay ay makatatanggap ng tig-₱200,000 para sa mga proyektong pang-edukasyon, panlipunan, at pangkabuhayan.
Sa unang batch, 5,000 barangay ang nakatanggap na ng pondo. Kabilang sa pinakahuling benepisyaryo ang mga barangay sa Pilar, Bataan kung saan personal na dumalo ang Pangulo sa pamamahagi.
Ayon sa panuntunan ng programa, maaaring gamitin ang kalahati ng pondo o P100,000 para sa mga proyektong pangkaligtasan at imprastraktura tulad ng street lights, patrol vehicles, CCTV, at mga generator para sa health centers at evacuation centers.
Habang ang natitirang P100,000 ay ilalaan sa “finisher program” para sa mga estudyanteng na nasa huling taon ng kolehiyo upang matiyak na makapagtatapos sila sa kabila ng epekto ng krisis. Tinatayang aabot sa 200,000 magtatapos na estudyante ang matutulungan ng programa.
Sinabi ni Recto na layunin ng hakbang na direktang palakasin ang mga barangay bilang mga frontliner sa komunidad at tiyaking may kakayahan ang mga ito na agarang tumugon sa mga suliranin.
Upang mapabilis ang distribusyon, nakipagtulungan ang Tanggapan ng Pangulo sa Liga ng mga Barangay sa Pilipinas para sa mobilisasyon at monitoring ng paggamit ng pondo.
Pamumunuan naman ng Department of the Interior and Local Government ang implementasyon upang matiyak na sumusunod sa mga alituntunin sa pagbadyet, accounting, at auditing ang paggamit ng pondo.
Target ng pamahalaan na makumpleto ang distribusyon bago matapos ang Hunyo 2026 at magamit ang lahat ng pondo bago matapos ang taon.
















