-- Advertisements --

Pinasisiguro ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., sa Bureau of Customs (BOC) na ipagpatuloy ang laban kontra sa mga smuggler at hoarder na nasa likod ng scheme ng price manipulation na nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng bigas.

Binigyang-diin ng Chief Executive na ang bukbok ang lubos na sumisira sa balanse ng suplay at presyo ng bigas sa merkado habang ang hoarding, smuggling at price manipulation ay ginagawa ng mga mapagsamantalang mga negosyante.

Siniguro ng Pangulong Marcos na hindi titigil ang gobyerno sa pagtugis sa mga smugglers at hoarders at mapanagot ang mga ito sa batas.

Nais kasi ng Pangulo na makamit ang murang pagkain para sa sambayanang Pilipino.

Noong Biyernes, ang Bureau of Customs Bureau Action Team Against Smuggling (BATAS) ay nagsampa ng apat na smuggling charges sa Department of Justice (DOJ) laban sa rice smugglers sa Bulacan habang isinasagawa ang case build-up para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga iniulat na smuggler sa Zamboanga City.

Ayon kay Atty. William Balayo, acting Director ng BOC’s Legal Service, noong weekend na nagsampa sila ng tatlong kaso ng economic sabotage laban sa tatlong importer habang ang isa ay para sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) sa ilalim ng Agricultural Product Smuggling.

Nag-ugat ang mga kaso sa ginawa nilang inspeksyon sa Bulacan noong Agosto 24.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na labanan ang hoarding at iligal na pag-angkat ng bigas, ang Bureau of Customs (BOC) ay nakadiskubre ng mahigit 200,000 sako ng bigas sa apat na magkakaibang bodega sa Bulacan, na nagbunsod sa pagpapalabas ng mga warrant of seizure at detensyon.