Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling lalakas ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng agresibong pamumuhunan, paghikayat ng mga bagong investor, at pagpapatupad ng mga bagong insentibo sa negosyo.
Ayon sa Pangulo, pangunahing binabantayan ng pamahalaan ang banta ng “stagflation” ang sabay na pagbagal ng ekonomiya at pagtaas ng presyo ng bilihin. Sinabi ng Pangulo na upang labanan ito, pinabilis ng gobyerno ang paggastos sa mga pampublikong proyekto at naglunsad ng mga hakbang para mapababa ang implasyon.
Kabilang sa mga direktang tulong na ipinamamahagi ngayon ang mga subsidiya at fuel discounts para sa sektor ng transportasyon.
Tututukan din ng pamahalaan ang paghahanap ng mga bagong paraan para suportahan ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) upang mapanatiling matatag ang bansa laban sa epekto ng pandaigdigang krisis sa langis.
Binigyang-diin din ng Pangulo na mahalagang masuportahan ang Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) dahil kung mananatiling matatag ang mga sektor na ito, kakayanin ng bansa na mabawasan ang epekto ng pandaigdigang krisis sa langis at iba pang hamon sa ekonomiya.
















