Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang publiko na magbasa at bigyang-diin ang kahalagahan ng kasaysayan.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag kasabay ng pagdiriwang ng ika-38 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution kahapon February 25,2024 na nagpabagsak sa kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. mula sa kapangyarihan noong 1986.
Sinabi ni Pangulong Marcos na mahalaga na basahin ang bawat panig ng kasaysayan.
Sa isang vlog na inilathala nitong Linggo, Pebrero 25, sinabi ng presidente na napakahalaga na magkaroon ng interes sa kasaysayan ang mga kabataan ngayon dahil marami aniyang matututunan ang lahat mula rito.
Subalit binigyang-diin ni Pangulong Marcos na may pangangailangan ang publiko na magbasa ng iba’t ibang materyal habang kinikilala ang paglaganap ng fake news.
Inihayag ng Pangulo na tinuruan aniya siya ng kanyang lola na magbasa ng kahit na ano at siya na raw ang bahala na mangilatis kung ano ang maganda at kung ano ang hindi tama.
Binigyang-diin ng Chief Executive na ang pulitika ay dapat sa paglilingkod sa bayan at hindi para sa isang partido.
Sinabi ng Pangulo na ang isang indibidwal na nagnanais na maghanap sa anumang elective na posisyon ay hindi dapat maging makasarili.
“Dapat naman, ang dahilan kung bakit sila tatakbo ay nais nilang tumulong, ako, ganiyan kaya ako tumakbo, kaya ako pumasok sa pulitika dahil nalulungkot ako sa mga nakikita kong pangyayari. Dahil masakit sa loob ko na makitang naghihirap ang mga Pilipino at naisip ko, siguro naman may kaya akong gawin para makatulong,” wika ng Pang. Marcos.