Hindi nawawalan ng pag-asa ang liderato ng PBA na maipagpatuloy pa rin ang mga laro sa Season 45 na pansamantalang sinuspinde bunsod ng coronavirus pandemic.
Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, kaya pa rin daw mairaos ang 2020 season kahit na isang conference lang ang maidaos.
Paliwanag ni Marcial, nabuhayan daw ito ng loob bunsod ng mga developments sa aspeto ng sports sa iba’t ibang panig ng mundo, tulad ng pagpapatuloy muli ng football season sa South Korea, at pagbubukas ng mga practice facilities ng NBA sa Estados Unidos.
“A handful of NBA teams are opening practice facilities, and it could well lead to resumption of the NBA season. Major League Baseball is looking at reopening shop in July. Football in Europe is about to resume. All these make me hopeful we can resume our Season 45,” wika ni Marcial.
Sang-ayon naman ang PBA official sa naging pasya ng gobyerno na ilagay sa modified enhanced community quarantine ang ilan pang mga lugar partikular sa Metro Manila, lalawigan ng Laguna, at lungsod ng Cebu.
Gayunman, umaasa si Marcial na bababa na ang mga kaso ng coronavirus sa Pilipinas, at kalaunan ay payagan na rin ang pagpapatuloy ng mga sports activities.
“The board decision is to wait until August. Medyo matagal pa yon. Hopefully, by that time, medyo okay na, and allowed na ang gathering for a sports event, like the PBA,” anang sports official.
Una nang sinabi ni Marcial na sa Agosto inaasahang magpapasya ang PBA Board of Governors tungkol sa magiging kapalaran ng kasalukuyang season.