Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Atty. Jeremy Lotoc na hindi maaaring basta balewalain ng komisyon ang umano’y banta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez dahil sa kanyang posisyon at sa background ng kanyang pamilya.
Ayon kay Lotoc, kabilang sa mga dahilan kung bakit isinailalim ng NBI sa imbestigasyon ang pahayag ng Bise Presidente noong Nobyembre 2024 online press conference ay dahil may kakayahang magsagawa umano ng naturang banta.
Sa ikalimang araw ng impeachment trial, tinanong ni Senate President Sherwin Gatchalian si Lotoc kung ano ang basehan ng NBI Cybercrime Division para maniwalang may in-hire na tao si VP Sara na maaaring pumatay sa Pangulo, Unang Ginang, at dating House Speaker.
Ayon kay Lotoc, kahit itinanggi ng Bise ang alegasyon ng grave threats, naniniwala ang NBI na nakita nila ang mga elemento ng naturang krimen dahil sa kanyang mga naging pahayag at sa mga taong nakausap umano niya.
Sinabi rin ni Lotoc na nais sana nilang makausap nang personal ang Bise Presidente upang linawin kung totoo ang alegasyon tungkol sa umano’y kinausap na assassin, ngunit hindi umano ito nakipagtulungan sa kanilang imbestigasyon.
Nang tanungin ni Gatchalian kung napatunayan ba ng NBI na may kakayahan si Vice President Duterte na kumuha ng hitman, sinabi ni Lotoc na “tiyak na oo” dahil sa kanyang posisyon bilang Pangalawang Pangulo ng bansa.
Nang kuwestiyunin ni Gatchalian kung sapat nang batayan ang pagiging Bise Presidente para masabing may ganoong kakayahan ang isang tao, muling binanggit ni Lotoc ang background ng dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang kasong kinakaharap nito sa International Criminal Court.
















