-- Advertisements --

Sinagot ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang naging batikos ni Ka-Mangagawa Partylist Rep. Eli San Fernando na binabalewala ng ahensiya ang kapakanan ng mga mangagawa.

Sa pagtalakay ng House plenary sa budget ng DOLE para sa 2027, hayagang sinabi ni San Fernando na pinakawalan na ng ahensiya ang Wage Order No.27 o ang dating kautusan para sa dagdag na P85 sa arawang sahod ng mga mangagawa sa Metro Manila, dahil lamang sa pakikialam ng korte.

Binalikan ng mambabatas ang paglabas ni DOLE ng Wage Order No.28 na nag-aatas para sa P60 na dagdag sahod, sa halip na panindigan nito ang Wage Order No. 27, na ayon kay San Fernando, nagpapakita ng hayagang pagbalewala sa kapakanan ng mga mangagawa na dapat sana’y inaalagaan ng ahensiya.

Hayagan ding sinabi ni San Fernando na kung hindi kayang panindigan ng DOLE ang inilalabas nitong wage order, mas nakabubuti nang hindi bigyan ang ahensiya ng pondo para sa susunod na taon.

Para kay San Fernando, bagaman maliit lamang na halaga ang diperensiya sa pagitan ng Wage Order No.27 at ng Wage Order No. 28, malaking tulong na ito sa mga mangagawa na labis na apektado sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Hindi naman pinalagpas ng budget sponsor ng koponan na si Aurora Representative Rommel Rico T. Angara ang naging batikos ni San Fernando.

Ayon sa mambabatas, hindi totoong inaabandona ng DOLE ang kapakanan ng mga mangagawang Pilipino at sa halip, nirerespeto lamang nito ang pagpasok ng korte.

Ang P60 sa Wage Order No. 28 aniya ay pareho lamang sa unang tranche na dapat sana ay nasa ilalim ng Wage Order No. 27.

Ngunit sa kabila ng kawalan ng 2nd tranche sa WO 28 di tulad ng sinundan nitong WO, tumitintig aniya ang DOLE na ang P60 na additional minimum wage ay malaking bagay na para sa mga mangagawa sa NCR.