-- Advertisements --

Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) na sakop ng kanilang inilabas na panuntunan para sa mga campaign materials iyong mga nakalagay sa mga private properties.

Pahayag ito ni COMELEC spokesperson Director James Jimenez matapos umani nang batikos ang kanilang Operation Baklas simula kahapon ng umaga sa mga campaign materials na nasabit o nakalagay sa mga ipinagbabawal na lugar pati na rin iyong hindi sumusunod sa itinatakdang laki at haba.

Ayon kay Jimenez, kahit sa private properties man nakasabit o nakalagay ang mga campaign materials ng mga kandidato, ito ay dapat na sumusunod pa rin sa itinatakda ng kanilang mga panuntunan.

Sa mga mayroong problema sa kanilang isinagawang Operation Baklas, sinabi ni Jimenez na maaari naman silang maghain ng reklamo.

Paliwanag niya, ginagawa lamang nila ang mga hakbang na ito upang matiyak na nasusunod ang mga umiiral na batas.

Kahapon, ilang grupo ang pumalag sa pagbabaklas ng COMELEC sa mga campaign posters kahit iyong mga nakalagay sa private properties.

Sa isang joint statement, nanawagan sa COMELEC ang mga grupong Lawyers Against Disinformation, Filipino American Human Rights Alliance, Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan, Now You Vote, at Women Lawyers for Leni na atasan ang mga election officers at mga empleyado ng mga ito na itigil ang iligal na pagtanggal at pagkumpiska sa mga campaign materials at paraphernalia na pagmamay-ari, nakakabit, at nakalagay sa mga private citizens at volunteers sa kanilang private property tulad ng mga nakalagay sa headquarters ng mga volunteers.

Para sa kanila, ang Operation Baklas ay “undemocratic at unconstitutional act” na dapat itigil na dahil ito ay maikukonsiderang tresspassing,

Hindi anila maaring basta lamang pumasok ang COMELEC sa isang private property nang wala namang batas na pumapayag sa kanila para mag-regulate sa mga ito.

Bukod dito, ang tanging kailangan lamang aniya sa paglalagay ng campaign materials sa private property ay ang pahintulot ng may-ari nito.