-- Advertisements --

Isasalang sa pagdinig sa Senado, na pangungunahan ni Senate committee on banks, financial institutions and currencies chairperson Sen. Grace Poe ang panukalang naglalayong tulungan ang mga bangko at financial institutions na lubhang naapektuhan ng mabagal na ekonomiya sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Poe na nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang kaniyang komite, katuwang ang Senate committee on ways and means bukas, Miyerkules, Agosto 26, alas-10:30 ng umaga, upang tugunan ang biglaang pagdami ng non-performing assets (NPAs) at paghanap ng solusyon para sa nagluluging mga negosyo.

“Kailangan nang tulungan ng pamahalaan ang mga bangko at financial institution sa harap ng halos paralisadong ekonomiya dulot ng pandemya,” ayon kay Poe.

Sinabi pa ng mambabatas na mahalagang mapanatiling nakaangat ang mga financial institution na ito at panatilihin ang kanilang kakayahang pinansiyal upang magampanan ang kanilang kritikal na papel sa pagtugon ng bansa sa krisis tulad ng pamamahagi ng cash aid sa mga pamilyang nangangailangan at pagpapautang sa negosyo upang tulungan silang bumangon.

Tatalakayin sa pagdinig ang Senate Bill No. 1596 ni Sen. Lito Lapid at Senate Bill No. 1594 ni Sen. Imee Marcos na parehong may pamagat na Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) Act (An Act Ensuring Philippine Financial Industry Resiliency Against the COVID-19 Pandemic) at Senate Bill No. 1652 o The Special Purpose Vehicle Act of 2020 (An Act Granting Exemptions and Fee Privileges to Special Purpose Vehicles Which Acquire or Invest in Non-Performing Assets) ni Sen. Ralph Recto.

Layunin ng SB 1596 at 1594 na maisabatas ang panukala para sa mga bangko at financial institution na himukin silang ibenta ang kanilang NPAs sa FIST na lilikhain sa ilalim ng mga bills na ito.

Bilang lupon na may kakayahang bigyan ng solusyon ang naluluging ari-arian, ang mga FIST companies ay maghahatid ng bagong kapital at expertise patungkol sa mga non-performing assets, sa rehabilitasyon sa naluging negosyo, at sa pagpapalakas ng kakayahang magpautang sa pamamagitan ng financial sector.

Ipinanunukala naman ng SB 1652 ang paglikha ng asset management companies tulad ng special purpose vehicle (SPV) na bibili o mamumuhunan sa NPAs ng mga bangko at financial institution.

Alinsunod sa panukala, ang SPVs ay bibigyan ng oportunidad na kumita mula sa paglilikida ng NPAs na madalas ay nabibili sa presyong may diskuwento. Bukod dito, hihimukin ang pribadong sektor na magtayo ng SPVs sa pamamagitan ng pagbibigay ng tax exemption at fee privileges sa pagbebenta o paglilipat ng non-performing assets.

Gamit ang datos mula sa panukala, sinabi ni Poe na nitong Abril 2020, umabot na sa 2.3 porsiyento ang non-performing loan ratio sa kabuuang loan portfolio ng mga bangko.

“Magsisilbi ang panukala bilang pantawid-buhay ng mga bangko at institusiyong pinansiyal na kabalikat natin sa muling pagpapasigla ng ekonomiya,” ayon pa kay Poe.