Pinalawak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga benespisyo nito para sa mga pasyenteng may chronic kidney disease (CKD) at iba pang seryosong karamdaman, kabilang ang hemodialysis, peritoneal dialysis, kidney transplant, at emergency outpatient care.
Ayon kay Dr. Israel Francis Vargas, Senior Vice President ng Health Finance Policy Sector ng PhilHealth, tumaas na ang kaso ng end-stage renal disease sa bansa kaya’t kinakailangan ang mas malawak na suporta.
Mula kasi sa dating 90 sessions, tinaas na sa 156 ang annual coverage para sa hemodialysis, katumbas ng tatlong session kada linggo. Itinaas din ang halaga ng reimbursement kada session mula sa dating P2,600 patungong P6,350 na umaabot sa halos P1 million ang kabuuang benepisyo ng member kada taon.
Pinalawak din ang benepisyo para sa peritoneal dialysis na P500,000 kada taon para sa adults at P1.2 million para sa mga bata.
Samantala, pinalawak na rin ang Z-Benefit Package para sa kidney transplant. Mula sa dating P600,000, ngayon ay hanggang P2.1 million ang coverage para sa mga bata, at mahigit P1 million para sa adults. Sakop na rin ngayon ang transplant mula sa deceased donors, bukod sa living donors.
Kasama na rin sa benepisyo ang post-transplant care gaya ng maintenance na gamot at laboratory tests, na umaabot ng P600,000 hangang P660,000 para sa adults, at hanggang P1.7 million sa unang taon para sa mga bata.
Bukod sa mga sakit sa bato, inilunsad na rin ng PhilHealth ang bagong outpatient emergency care benefit. Sakop na nito ang mga pasyenteng ginamot sa ER kahit hindi na-admit. May benepisyo na rin para sa mga may heart attack na nagkakahalaga ng P130,000 para sa gamot at hanggang P530,000 naman para sa angioplasty.
Ayon pa kay Dr. Vargas, layunin ng PhilHealth na maibaba pa sa pitong araw ang kasalukuyang 23-day average ng pagbabayad ng claims, mas mabilis sa itinakdang 60-araw na deadline.