Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang aamiyenda sa 84-taon ng Public Service Act.
Sa botong 136 na “yes,” 43 na “no” at isang abstention, inaprubahan ng Kamara ang House Bill No. 78, na naglalayong bigyan nang malinaw na statutory definition ang public utility.
Sa ilalim ng panukala, nililimitahan ang depinisyon ng public utility sa electricity distribution, electricity transmission, at water pipeline distribution o sewerage pipeline system.
Ibig sa bihin, dito na lamang applicable ang itinatakda ng 1987 Constitution na hindi bababa sa 60 percent ang pagmamay-ari ng Pilipino sa isang public utility at limitado naman sa 40 percent lang ang foreign ownership.
Kapag tuluyang naisabatas ang panukalang ito, maari nang magmay-ari at mag-operate ang mga dayuhang kompaniya sa mga public services tulad na lamang ng transportation at telecommunication.
Para kay House Committee on Ways and Means chairman Rep. Joey Salceda, pangunahing may-akda ng House Bill No. 78, ang pagkakapasa ng panukalang ito ay kailangan upang wakasan ang aniya’y hindi maasahan at mahal na consumer goods at services sa bansa.
Naniniwala naman si House Committee on Economic Affairs chairperson Rep. Sharon Garin na maraming economic opportunities daw ang papasok sa bansa sa oras na mapagtibay na rin ng Senado ang kontrobersiyal na panukalang batas na ito.