Inaprubahan na ng House Committee of the Whole ang panukalang batas na magbibigay kay Pangulong Rodrigo Duterte ng kinakailangan nitong kapangyarihan para maresolba ang problema sa Coronavirus Diseas 2019 (COVID-19).
Sa pamamagitan ng viva voce voting, inaaprubahan ng Committee of the Whole ang House Bill 6616 na naglalayong magdeklara ng national emergency sa gitna nang banta ng COVID-19. Papahintulutan na rin si Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang kapangyarihan nito para sa COVID-response sa limitadong panahon at “subject for restrictions” ng batas.
Sa pagharap sa Committee of the Whole ng Kamara, binigyan-diin ni Executive Sec. Salvador Medialdea ang kahalagahan nang pag-apruba ng Kongreso sa naturang panukalang batas.
Binibigyan kasi aniya nito ang Executive Department ng legal authority para maresolba ang krisis bunsod ng COVID-19.
Mas mapapabilis din aniya ang pagbibigay ng serbisyo sa mga apektado at mapipigilan din ang pagkalat pa lalo ng nakakabahalang sakit na ito.
Mapapadali rin nito ang pagbili sa mga mahahalagang kagamitan na kinakailangan sa ngayon ng mga health workers.
Bukod kasi sa papadaliin ang procurement process dahil sa krisis, binibigyan din ng kapangyarihan ng panukalang ito si Pangulong Rodrigo Duterte para i-reallocate ang pondo sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act para magamit sa COVID-19 response.
Smantala, nilinaw ni Medialdea na inamyendahan na nila ang ang kanilang hiling na payagan ang pamahalaan na mag-takeover sa mga privately-owned public utilities matapos na mabatikos.
Aniya, gagawin lamang ang takeover sa mga private institutions kung ito ay kakailanganin.
Ang nasabi aniyang kapangyarihan na nais ng pangulo ay hindi naman nangangahulugan na gamitin sa bawat oras.