-- Advertisements --

Nakatakda nang talakayin ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development sa pangunguna ni senador Jinggoy Estrada sa susunod na linggo, May 10 ang mga panukalang batas na magsasaayos at magtatakda ng dagdag-sahod para sa mga nasa pribado at iba’t ibang sektor.

Kabilang dito ang panukalang pagrepaso sa umiiral na patakaran sa pagtaas ng minimum wage, pagbigay ng P150 across-the-board wage increase at pag-amyenda sa Wage Rationalization Act para taasan ang mga parusa sa mga hindi susunod sa mga itinakdang pagtaas, at pagsasaayos ng wage rates ng mga manggagawa.

Ayon kay Estrada, hindi man maihahabol kasabay ng Labor Day celebration ngayong taon ang panukalang legislated wage increase, makakaasa naman aniya ang publiko na gugulong na sa senado ang mga panukalang inihain tungkol dito.

Giniit ng senador na ang pinakamainam na paraan para matulungan ang mga manggagawa ay ang pagkakaroon nila ng secured at permanenteng trabaho kaya naman dapat lang na balansehin ang pangangailangan ng mga manggagawa at kapasidad ng mga employer na mapanatili ang kanilang mga empleyado at makagawa pa ng mas maraming trabaho.

Sinabi ni estrada na sa ikakasa nilang pagdinig ay pakikinggan ang lahat ng mga komento at suhestiyon mula a tripartite sectors: ang labor, employer at ang pamahalaan.