-- Advertisements --

Naturukan na ng kaniyang Pfizer second booster dose si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at anak nitong si Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos sa isinagawang Pinas Lakas campaign ng Department of Health (DoH).

Sinabi ng pangulo na patunay ito ng pagsusumikap at pagpursige nilang hikayatin ang publiko na magpa booster shot na rin.

Kaugnay nito, nais ng presidente na makakuha ang Pilipinas ng mga bagong bakuna o new generation vaccines laban sa Omicron sub-variants ng COVID-19.

Sinabi ng pangulo na mahalagang magkaroon ng mga bagong bakuna para maiturok sa lahat ng Filipinong nangangailangan nito.

Binigyang diin ng chief executive na mahalaga ang booster shot sa panahong ito para mas maging malakas ang proteksyon laban sa mga bagong sub variants, lalo na at balik eskwela na ang mga bata at para makabalik na rin sa trabaho ang maraming manggagawa, hindi aniya katulad noong mga unang taon ng pandemya na hanggang dalawang turok ng primary doses lamang ay sapat na.

Maliwanag din aniya sa mga pag-aaral at mga data na kapag naturukan ng bakuna at booster dose, mas maliit ang tyansang maospital pa kapag nagpositibo sa virus.