Positibo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na babagal rin ang inflation rate ng bansa, kasunod ng pagbaba ng presyo ng langis at agricultural products sa 2nd quarter ng 2023 sa tulong ng importasyon.
Ito ang naging pahayag ng Pangulo makaraang umakyat sa 8.7 percent ang naitalang inflation nitong buwan ng Enero 2023.
Aminado ang Pangulong Marcos na nakalulungkot ang datos na ito.
Aniya, nakapagpatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang tugunan ang inflation, kabilang dito ang pagpapalakas sa suplay ng mga basic commodities para bumaba ang presyo sa mercado.
Bukod dito, may ibang short, medium, at long-term measures na inilatag ang administrasyon para laban ang inflation.
Ayon sa pangulo, malaki ang papel na ginagampanan ng pag-aangkat ng agricultural product sa galaw ng inflation rate.
Sinabi ng Pangulo na hindi naman agad-agad na mararamdaman ang mga hakbang na ito. Ngunit unti-unti na makikita ang epekto ng mga pagtugon na ito ng gobyerno.
Sinabi ni Pangulong Marcos, na posibleng sa ikalawang quarter ng taon mararamdaman ang pagbagal ng inflation.
Magugunita at batay sa International Monetary Fund’s (IMF) January 2023 World Economic Outlook Update, nakasaad na ang inflation ay nararanasan sa buong mundo, at magpapatuloy na hamong kahaharapin ng iba’t ibang mga bansa.
Sinisiguro naman ng pamahalaan ang pagkontrol sa presyo ng mga bilihin.
Sa kabilang dako, mas lalo pang pinaiigting ng gobyerno ang mga hakbang upang mapabuti ang lokal na produksyon sa agrikultura, ngayong umabot sa 8.7 percent ang inflation, nitong Enero 2023.
Ayon sa Department of Finance (DOF) ito ay dahil sa supply constraint at mas mahal na utility rate.
Sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno, hangad ng pamahalaan na mapabuti ang productivity sa sektor ng agrikultura at matiyak ang seguridad ng enerhiya, upang mapatatag ang inflation.
Ayon kay Diokno, gagawin ng pamahalaan ang whole-of-government approach, at pagpapatuloy ng pamamahagi ng organic at bio-N fertilizers, de kalidad na binhi, farm production, at post-harvest machinery and equipment.
Binigyang-diin ni DIokno, na dahil sa pagpapatibay kamakailan ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028, sisimulan ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mga medium at long-term na mga plano, upang mapataas ang productivity at gawing moderno ang sektor ng agrikultura na siyang makatutulong upang mapababa ang inflation.