Nakabalik na sa bansa kahapon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. mula sa matagumpay na paglahok ng Pilipinas sa World Economic Forum 2023 sa Davos, Switzerland.
Sa kanyang talumpati, kumpiyansa si PBBM na ang mga isinagawang pulong at dayalogo tungkol sa katayuan ng Pilipinas sa napapanahong mga isyu ay magbubukas ng maraming oportunidad lalo na ng bagong trade and investment opportunities para sa bansa.
Siniguro niya na pagbubutihin ang nasimulang mga talakayan at patuloy na magsisikap hanggang sa makamit ang resulta ng mga ito.
Sinabi ng Pangulo, nangunguna ang Pilipinas sa pagbangon ng ekonomiya hindi lamang sa Asia-Pacific kundi sa buong mundo.
“Our WEF engagement has enabled the many leaders and experts in government, in business, civil organization and in the academe that were in attendance to receive the good news that the Philippines is leading economic recovery and performance not only in the Asia-Pacific but also in the whole world,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang Pilipinas hindi lamang nagtutulak para mapalago ng ekonomiya kundi tumutulong din upang maiwasan ang isang krisis sa ekonomiya.
Pinasalamatan ng Pangulo ang kaniyang economic team na binubuo nina Finance Secretary Benjamin Diokno, Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual at Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan.
Pinuri din nito si House Speaker Martin Romualdez sa pagsama nito sa mga high-level dialogues sa World Economic Forum (WEF).
“I took the opportunity as well to consult with our friends and partners in Davos on the sovereign wealth fund as a means for us to diversify our income sources, and to generate various welfare effects to the Filipino people, while recognizing that this is a collaborative work with experts and our lawmakers so that its final form is what we intend it to be,” dagdag pa ni Pang. Marcos.
















