-- Advertisements --

Naniniwala ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr na handa na ang Pilipinas na bumalik sa normal matapos ang mahigit dalawang taong pandemic na dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa pagdalo ng Pangulong Marcos sa MassKara Festival ngayong taon, sinabi niyang ang naturang aktibidad ay nagpapahiwatig sa pagbabalik ng pre-pandemic activities sa bansa.

Kailangan daw ito para sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.

Kaninang hapon nang pinangunahan ni Pangulong Marcos ang culmination activity ng isang buwang selebrasyon ng naturang festival sa Paglaum Sports Complex sa Bacolod City.

Kasama niyang dumalo rito sina Senator Francis Tolentino at anak na si Ilocos Representative Sandro Marcos.

Dumalo rin sa event sina Interior Secretary Benhur Abalos at Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco at ilang Bacolod local officials.

Sinabi ng Pangulong Marcos sa kanyang talumpati na ang naturang festival ay manifestation na ang bansa ay nagsisimula nang bumagong sa epekto ng pandemic.

“Napakaganda ang nangyari dito sa Masskara Festival. Ramdam na ramdam naming lahat, hindi lang ng mga taga-Bacolod kundi lahat, na talaga handang-handa na ang mga kababayan nating Pilipino na bumalik na sa normal na buhay at ipagpatuloy ang ating mga ginagawa para pagandahin natin ang buhay ng isa’t isa, para pagandahin natin ang Pilipinas. Ngayon na nararamdaman natin na ang pandemya ay nababawasan na, at tayo ay alam na natin kung papaano i-manage ang COVID ay nakakatuwa naman na nandito tayo at nagkataon na magsama ulit at ngayon hindi lamang para sa political cycle at para sa kampanya kundi para mag-celebrate, para sumayaw, making ng magandang music at mag-enjoy tayo sa mga performance ng ating mga napaka-talented na mga taga-City of Smiles,” ayon sa Pangulong Marcos.

Dagdag ng Pangulo, handa na rin daw ang bansa na magsagawa ng iba pang malalaking festival.

Ang MassKara Festival ay muli umanong nagpakita ng kaugalian ng mga Pinoy sa pagiging matatag at pagiging resourceful.