Naging emosyunal si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasabay ng paggunita sa ika-siyam na taon mula nang manalasa ang super typhoon Yolanda.
Kasabay nito, muling kinuwestyon ni Pangulong Marcos ang iniulat ng mga otoridad noon na nasa 6,000 lamang ang nasawi sa pananalasa ng bagyo noong taong 2013.
Sa ika-9 na komemorasyon ng trahedya, sinabi ng pangulo na marami pang mga biktima ng bagyo ang hindi naitala o hindi nahanap.
Marami pa aniya ang mga nasawi noon ang hanggang sa kasalukuyan ay hindi natukoy, dahilan kung bakit nagpapatuloy aniya ang trahedya ng bagyong Yolanda, hanggang ngayon.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit patuloy na magsasagawa ng komemorasyon ang pamahalaan, upang alalahanin ang mga biktima ng bagyo na nakalimutan na o hindi kailanman naitala.
Pinangunahan rin ng pangulo ang pag-aalay ng bulaklak at panalangin, na ginanap sa Holy Cross Memorial Garden sa Tacloban City.