Mainit na sinalubong ng mga Pinoy sa Jakarta, Indonesia si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakipagkita sa Filipino community sa naturang bansa bilang bahagi ng kanyang unang araw na state visit doon.
Mainit ding winelcome ng mga Pinoy si Pangulong Marcos sa inorganisa nilang event sa Fairmont Hotel na nasa kabisera ng naturang bansa.
Mistulang nangangampanya rin ang pangulo nang humarap ito sa mga Pinoy dahil sa lakas ng hiyawan.
Para naman kay Department of Migrant Workers (DMW) chief Susan Ople, ang pakikipagkita ni Marcos sa Filipino community ay symbolic dahil ipinapakita nito ang pagprayoridad sa kapakanan ng mga OFWs.
Sa ngayon, nasa 7,448 na mga Pinoy ang nasa Indonesia ayon sa DMW.
Karamihan sa mga Pinoy doon ay may hawak na managerial at technical o professional level positions gaya ng company directors, engineers, accountants, supervisors at mga guro.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) noong 2021, ang remittances mula sa overseas Filipinos sa Indonesia ay pumalo sa $17.5 million o katumbas ng P875-M.
Una rito ay naging vocal ang Pangulong Marcos sa kanyang mga plano para siguruhin ang kapakanan ng mga overseas Filipino workers.
Kabilang na rito ang automation ng kanilang mga kontrata at ang One Repatriation Command Center, magin ng National Reintegration Program.