-- Advertisements --
image 370

Muling kinilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mahalagang papel ng main stream media sa pagtatanggol sa kapakanan ng mga mamamayan at pagtataguyod ng katotohanan sa pamamagitan ng broadcast.

Kasabay ito ng pagdiriwang ngayong araw ng ika-50 anibersaryo ng Kapisanan ng mga Brodkasters ng Pilipinas (KBP).

Pinuri din ng Pangulo ang malaking ambag ng broadcast industry para mapanatili ang matatag na demokrasya.

Maliban dito, ikinagalak din ng punong ehekutibo ang mga inisyatibo ng KBP, hindi lamang para sa pamamahayag kundi maging sa pagmamahal sa kalikasan.

Isa kasi ang KBP sa mga grupong may tuloy-tuloy na aktibidad para sa reforestation program, sa ilalim ng KBP Broadcastreeing.

Ang reforestation kasi ang isa sa mga adhikain ng chief executive, kung saan naging laman pa ito ng kaniyang State of the Nation Address (SONA).

Samantala, binati naman ng Pangulong Marcos ang matatag na liderato ng KBP, sa pamumuno nina KBP President Jun Nicdao at KBP Chairman Herman Z. Basbaño, pati na ng iba pang opisyal ng media organization.