Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasama si Department of Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, ang pamamahagi ng land title sa Negros Oriental sa mga agrarian reform beneficiaries mula sa lalawigan.
Isinagawa ito ngayong araw, Mayo 20, sa Macias Sports and Cultural Complex sa Dumaguete City.
Sa buong lalawigan, umabot sa 2,144 certificates of land title at electronic titles ang naipamahagi sa mga agrarian beneficiaries sa iba’t ibang munisipalidad at lungsod.
Sa talumpati ni Negros Oriental Gov. Manuel Chaco Sagarbarria, pinasalamatan nito ang pangulo sa kanyang dedikasyon at inisyatiba ng administrasyon.
Sinabi pa ni Sagarbarria na dahil sa proyektong ito, tiniyak pa umano na ang mga magsasaka ay may paraan upang mapanatili ang kanilang mga kabuhayan at mag-ambag sa agrikultura sa lalawigan maging sa buong bansa.
Samantala, simultaneous ding isinagawa sa rehiyon ang aktibidad na ito kung saan mayroon ding 321 agrarian reform beneficiaries sa Bohol at 368 sa Cebu.
Bukod pa rito, ilang Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) mula sa Bohol, Cebu, Negros Oriental, at Siquijor ang tumanggap ng Farm Machineries and Equipment at Benepisyo mula sa Farm-to-Market Road Projects.
Pinuri naman ni Pangulong Marcos ang Department of Agrarian Reform, at lgus ng rehiyon para sa kanilang diskarte upang iangat ang mga magsasakang Pilipino at tiyakin ang seguridad sa pagkain.