-- Advertisements --

DAVAO CITY – Muling sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang pinayuhan si Mayor Inday Sara-Duterte Carpio na huwag nang tumakbo bilang presidente ng bansa sa eleksiyon sa susunod na taon.

Ito ang pahayag ng Pangulo nang tinanong ito ni Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay Pangulong Duterte, nang umuwi siya sa Davao nitong nakaraang araw ay kinausap niya uli ang anak upang ipaalala ang hirap ng responsibilidad kapag naging lider ng bansa.

Kabilang dito na puro trabaho na lamang umano ang presidente, gayundin na maliit lamang ang suweldo at magiging bilyonaryo lamang ang “uupo” kung ito ay corrupt na opisyal.

Dagdag rin ang makakasagupan na iba’t ibang paninira ng mga kritiko at nasa oposisyon.

Samantala, inihayag na ni Digong na may napipisil na siya kung sino ang maaaring pumalit at maipagpatuloy ang kanyang mga nasimulan ngunit iaanunsyo niya ito sa darating na panahon.

Kung maaalala, nangunguna si Mayor Inday Sara sa mga isinagawang survey na papalit sa kanya bilang Pangulong ng bansa.