Inatasan ni PNP chief General Guillermo Eleazar ang lahat ng mga police commanders at PNP units laban sa pangingikil ng New People’s Army (NPA) ngayong panahon ng halalan.
Ito ay matapos balaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga rebelde at political warlords na lumayo sa national at local elections sa susunod na taon sabay paggigiit na dapat pigilan ang mga miyembro ng NPA sa pangongolekta ng “permit-to-campaign” fees sa mga politiko.
Nangako ang PNP chief na magiging mapagmatyag ang mga pulis laban sa mga komunista at iba pang local threat groups.
Siniguro rin ni Eleazar na hindi pababayaan ng pulisya at haharangin ang mga masasamang elemento.
“Nananatiling isang malaking banta sa eleksyon ang CPP-NPA-NDF kaya inatasan ko na ang ating mga area commanders na lalo pang palakasin ang kampanya laban sa kanila dahil naasahan natin na muli na naman silang mangunguna sa mga extortion activities sa mga kandidato,” pahayag ni Gen. Eleazar.
Samantala, pinapurihan naman ni Gen Eleazar ang PNP at ang Armed Forces of the Philippines sa pinag-isa nilang operasyon noong Martes, Oct. 5, na nagresulta sa pagkakasabat ng mga armas sa Sorsogon.
Nanawagan si Gen. Eleazar sa publiko na makiisa at umapelang isumbong kaagad sa kanila kung may presensya ng NPA at iba pang lawless elements sa kanilang lugar upang agad maaksyunan ng PNP.
“I commend our police and military personnel in Bicol region for the successful operation in Sorsogon that resulted in the confiscation of war materials from the CPP-NPA-NDF as part of our intensified campaign not only to end communist insurgency but also in ensuring the peaceful conduct of elections in May next year,” dagdag pa ni Gen Eleazar.