Pinakakalma ng Malacañang ang publiko kahit na unti-unti nang napupuno ang critical care capacity ng mga ospital dahil sa dami ng mga nagpositibo sa covid-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, “manageable” pa naman ang kapasidad ng mga ospital.
Una rito, sinabi ni Health Undersecretary Leopoldo Vega na nasa “danger zone” na ang kapasidad ng mga ospital.
“Sa critical care capacity, yung nagmeeting kami ay 60 percent at sabi po ni Usec. Vega ngayon ay nasa 70 percent. Manageable naman po yan,” ani Sec. Roque.
Ayon kay Sec. Roque, nakikipag-ugnayan na ngayon si Usec. Vega na tumatayo ring “treatment czar” sa mga ospital para matiyak na hindi maitataboy ang mga pasyente.
“Hindi itataboy ang pasyente dahil sa rason na espasyo. Sasabihin kung saan dapat pumunta.
Dahil overall, sapat sapat naman po ang ating mga hospital beds kasama na po dyan yung ating mga ICU beds. So kung puno na ang ospital na gusto ninyo pasukan, sasabihan naman po kayo kung saan puwede magpunta kung kailangan ng ICU care,” dagdag ni Sec. Roque.
Wala umanong dapat na ikabahala ang publiko dahil hindi mauubusan ng ospital para sa mga psyente ng COVID-19.
Umaapela na rin daw ang pamahalaan sa mga pribadong ospital na kung patuloy na sisipa ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19, dapat nang taasan ang bed capacity at gawing 50 percent na mula sa kasalukuyang 30 percent na laan sa mga pasyente.