Iginiit ng National Bureau of Investigation (NBI) na responsibilidad ng Senado na iharap si Senator Ronald “Bato” dela Rosa dahil ito ay nasa ilalim ng kanilang protective custody.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, malinaw ang pananagutan ng mataas na kapulungan sa paglutang ng mambabatas na may kinakaharap na utos ng pag-aresto.
Kasabay nito, ipinahayag ni Matibag na naglabas na ng direktiba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan.
Iniutos ng Pangulo na tiyaking magiging patas ang takbo ng imbestigasyon at panagutin ang lahat ng mga indibidwal na mapatutunayang may kasalanan sa insidente.
Inihayag naman ni Matibag kung totoo na wala na sa loob ng Senado si Dela Rosa ito ay nakakadismaya.
Ayon kay Matibag, “malungkot” ang kinalabasan ng pangyayari dahil inasahan niyang rerespetuhin ang kanilang usapan.
Naniniwala aniya siya na bilang mga kagalang-galang na opisyal, tungkulin ng mga senador na proteksyunan hindi lamang ang kanilang kasamahan kundi maging ang umiiral na mga batas at ang Konstitusyon.
Inamin din ng direktor na may sentimyento ang mga ahente ng NBI na posibleng “staged” o sadyang ginawa lamang ang naganap na kaguluhan sa Senado upang mabigyan ng pagkakataong makatakas ang senador.
Binigyang-diin niya na ang kanilang mandato ay siguruhing mahuli ang sinumang may warrant of arrest, lalo’t anim na buwan na umanong nagtatago ang senador mula nang lumabas ang balita tungkol sa pag-aresto rito.
Gayunpaman, ipinapaubaya na ng NBI sa Department of Justice (DOJ) ang susunod na desisyon at paghatol sa kaso dahil sila ang pangunahing ahensyang namumuno sa naturang operasyon.
















