Tiniyak ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na handa siyang humarap sa pagdinig ng Senado kaugnay sa kontrobersyal na implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Kung maaalala, nabulgar sa pagdinig ng Senado kahapon ang pag-refer ni Sec. Panelo sa Bureau of Pardons and Parole sa sulat ng anak ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na humihiling ng executive clemency para sa amang convicted sa kasong rape at murder.
Ayon kay Sec. Panelo, gusto niyang maging transparent ang lahat at nasa record naman daw ang mga kahalintulad na letter-request na tinugon ng kanyang tanggapan sa parehong paraang ginawa sa sulat ng anak ni Sanchez.
Malinis aniya ang kanyang konsensya at wala siyang ginawang pagpabor sa kaso ni Sanchez kahit kliyente niya ito noon.
Samantala, taliwas sa binanggit ni Sec. Panelo na minsan lang nakipagkita ang pamilya Sanchez sa kanya sa Palasyo, iba naman ang nakatala sa logbook ng guwardiya.
Batay sa record sa logbook, ilang beses pabalik-balik ang pamilya Sanchez para mag-follow-up sa kanilang request na executive clemency noong Pebrero ngayong taon.
“Of course, of course kasi gaya nga ng sinabi ko sa MPC, transparent lahat. ‘Yung record nandiyan, ipinakita ko sa kanila lahat. Ipinakita ko rin ‘yung lahat daan halos na mga pare-parehong letter, pare-parehong request. In fact, lahat ng letter na nere-respond namin, gaya ng sinabi ko, may template na kami doon. Nagbabago lang ang pangalan, i-refer namin ito sa’yo dahil ‘yung ngang policy ng Presidente na transparent tayo, saka nagre-respond tayo sa mga hinaing,” ani Sec. Panelo.