-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nagpahayag nang pagkadismaya ang pamilya at mga kaibigan ng namatay na Davao artist na si Bree Johnson matapos ibinasura ang kasong isinampa laban kay Julian Ongpin, anak ng bilyonaryong business tycoon na si Bobby Ongpin.

Kinuwesityon ng ina ni Bree na si Sally ang ibinabang desisyon pabor sa nakababatang Ongpin sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Aniya, “selective justice” ang pag-dismiss sa kaso ni Julian.

Nabatid na una nang binasura ng San Fernando Regional Trial Court Branch 27 sa La Union ang kaso ni Ongpin at binawi rin ang precautionary hold departure order na inisyu laban sa kanya.

Sa 12 pahina na inilabas ni Branch 27 Presiding Judge Romeo Agacita Jr., wala umanong matibay na basehan ang kaso laban kay Julian.

Wala rin umanong mga witness gaya na lamang ng miyembro sa media o mga elected officials sa isinagawang inventory sa mga narekober na ebidensiya.

Kung maaalala, wala ng buhay nang marekober sa loob ng hotel room si Bree sa San Juan, La Union noong Setyembre kung saan huling nakasama nito si Julian.