-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN- Labis ang paghihinagpis ng pamilya ng Overseas Filipino Worker na walang habas na pinagbabaril ng mga miyembro ng teroristang Hamas sa Israel.

Kinilala ang OFW na si Angeline Aguirre, 32 taong gulang, tubong barangay Balagan, Binmaley, Pangasinan na humigit kumulang pitong taon ng caregiver sa Israel.

Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Wilma, kapatid ng nasawing Pinay, huling tawag daw sa kanya ng kapatid ay alasais ng umaga noong Sabado na sinabing pinasok ng mga teroristang Hamas ang bahay na kinaroroonan nito sa Kfar Aza, tatlong kilometro lamang ang layo sa border ng Gaza Strip.

Nang tangkaing iligtas ang kanilang sarili sa mga terorista, nanlaban umano si Angeline para maisalba ang pamilya ng kaniyang employer.
Dito na umano ito walang awang pinagbabaril.

Saad pa ni Wilma na may isa pa silang kapatid na nasa israel ngunit nasa ligtas itong kalagayan at magkahiwalay sila ng lugar. Sinabi umano nito na hindi na rin niya makontak si Angeline noong hapon na ang Sabado. Hanggang sa nabalitaan na lamang nila na ito ay binawian na ng buhay.

Kaya’t ganoon na lamang ang kanilang panlulumo sa sinapit ng kanilang kapamilya.

Maisasalarawan niyang may puso si Angeline sa kaniyang trabaho at kahit pagod na ay hindi niya ito inalintana dahil sa itunuturing na ring pamilya ang kaniyang employer.

Nanawagan naman ito sa gobyerno ng Pilipinas na sana’y matulungan silang mapabilis ang proseso ng pagpapauwi kay Angeline.