-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nais linawin ng pamilya ng isang COVID-19 patient ang pangyayari bago natagpuang patay ang pasyente sa isang bakanteng lote sa barangay Mambabanga, Luna, Isabela.

Una nang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan na patay na ng matagpuan ang katawan ng COVID-19 patient na 39 anyos, may asawa at residente ng barangay Mambabanga, Luna kung saan nagbigti siya gamit ang lubid na itinali sa puno.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa magulang ng pasyente na si Ginang Celia (di tunay na pangalan), sinabi niya na hindi totoong umuwi ang kanyang anak sa kanilang bahay bago siya natagpuang patay.

Sa katunayan, matapos na malamang tumakas sa isolation facility ang kanyang anak ay pinaghahanap na nila kung saan-saan ang pasyente at naghihintay din sila kung siya ay uuwi sa kanilang bahay.

Ayon sa Ginang bago tumakas sa isolation facility ang kanyang anak ay nakausap pa niya at sinabing ilang araw na rin siyang hindi nakakatulog ng maayos sa kakaisip sa mga anak.

Mula noon ay hindi na niya nakausap ang kanyang anak at pinaghahanap na rin nila.

Nais na linawin ng ginang ang pagsisiyasat ng pulisya na tinanggihan ng pamilya ang pasyente kaya nagbigti ang kanyang anak.

Masakit sa kanilang pamilya na sila ang pinapakasalanan sa pagpapakamatay ng pasyente.

Sinabi ng Ginang na patuloy na nagdadalamhati ang kanilang pamilya sa pagpanaw ng kanyang anak.

Una nang napaulat na nagpositibo rin sa COVID-19 ang mga anak ng COVID-19 Patient.

Ayon sa ginang, maayos naman ang kalagayan ng kanyang mga apo na naka-isolate sa kanilang bahay.

Samantala, nilinaw ng Luna Police Station na wala silang masamang intensiyon may kaugnayan sa ginawa nilang pagsisiyasat sa pagpapakamatay ng nasabing COVID 19 patient.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCaptain Joesbert Asuncion, Hepe ng Luna Police Station, sinabi niya na hindi nila intensiyong masaktan o siraan ang pamilya ng pasyente.

Aniya,ang naging pahayag niya may kaugnayan sa pangyayari at batay lamang sa ulat ng kanilang Imbestigador.

Inamin ng hepe ng pulisya na hindi na napagtuunan ng pansin ng kanilang imbestigador na makausap ang mismong pamilya ng nasawing pasyente.

Paliwanag ni PCaptain Asuncion na dahil naging abala ang kanilang tagasiyasat sa pakikipag-ugnayan sa RHU Luna para agad na mailibing ang nagpakamatay na pasyente.

Dahil dito ay tanging mga tao na lamang sa paligid ang nakausap ng imbestigador na siya namang iniulat nito sa kanilang himpilan.

Matatandaang patay na ng matagpuan ang COVID-19 patient matapos magbigti gamit ang lubid na itinali sa puno sa isang bakanteng lote sa barangay Mambabanga.

Una na ring pinabulaanan ng pamilya ng naturang COVID 19 patient ang inilabas na ulat ng pulisya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa pamilya ng pasyente inihayag ng ina ng pasyente na hindi totoo na umuwi sa kanilang tahanan ang kanyang anak bago nagpatiwakal.

Wala na anyang balak ang kanilang pamilya na ipasiyasat ang pagpapakamatay ng anak at nais lamang liwanagin ang mga pangyayari bago nagpakamatay ang kaanak.

Kaugnay nito tiniyak ni PCaptain Asuncion na hindi na mauulit ang naturang pangyayari at humingi rin siya ng paumanhin sa pamilya sa naging pagkukulang ng kanilang tagasiyasat.