-- Advertisements --

Tinawag ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na isang “karumal-dumal na gawa ng antisemitism” ang pamamaril sa dalawang empleyado ng embahada ng Israel sa isang Jewish event sa Washington, D.C.

Inaresto ng pulisya ang isang suspek na umano’y sumisigaw pa ng pro-Palestinian slogans bago barilin si Yaron Lischinsky, isang researcher ng embahada, at si Sarah Milgrim, isang administrative assistant.

Ikinabit ni Netanyahu ang insidente sa lumalalang tensyon at anti-Israel sentiments kasunod ng sigalot sa Gaza, kung saan mahigit 53,000 Palestino ang naiulat na nasawi. Kasabay nito, nahaharap si Netanyahu sa arrest warrant mula sa International Criminal Court dahil sa umano’y war crimes.

Patuloy pa rin ang opensiba ng Israel laban sa Hamas, sa kabila ng lumalakas na pressure mula sa mga bansa sa Europa, Canada, at maging sa Estados Unidos na humihiling ng agarang tigil-putukan.

Samantala, sinabi ng Anti-Defamation League na tumaas ng halos sampung beses ang mga antisemitic incidents sa U.S. sa nakaraang dekada—isang trend na kinikilala ng maraming Israeli bilang patunay ng panganib sa kanilang seguridad.

Ayon sa mga analyst, bagamat malungkot ang insidente, malabong magkaroon ito ng agarang epekto sa patakaran ng Israel sa Gaza, kung saan ang gobyerno ay patuloy na naglalarawan sa digmaan bilang “existential” o laban para sa kanilang kaligtasan.