Agad inaksiyunan ng Supreme Court (SC) ang apat na petisyong inihain lamang kahapon na kumukuwestiyon sa ligalidad ng RA 11479 o Anti Terror Act of 2020.
Ayon kay SC Spokesperson Brian Hosaka, binigyang ng Korte Suprema ang mga respondent ng 10 araw para magkomento sa consolidated o pinagsama-sama nang petisyon ng grupo nina Atty. Howard Calleja, Albay Rep. Edcel Lagman, Far Eastern University (FEU) Law professor na pinangunahan ni FEU Law dean Mel Sta Maria at Makabayan bloc.
Kasama naman sa mga respondents sa kaso sina Executive Secretary Salvador Medialdea, ang Anti-Terrorism Council (ATC) at Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sa isinagawang en banc session ngayong araw, napagdesisyunan ng mga mambabatas na pag-isahin na lamang ang mga Petition for Certiorari and Prohibition na inihain ng apat na grupo ng mga abogado maging ang hirit nilang magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) at Writ of Preliminary Injunction upang mapigilan ang nakatakdang pagpapatupad ng batas, sa July 19.
Iginiit ng mga grupo na may probisyon ang naturang batas na taliwas at magiging paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng 1987 Constitution.
Samantala, magsisilbi umanong gabay para sa paghahanda ng Department of Justice (DoJ) sa implementing rules and regulation (IRR) ang magiging desisyon ng Supreme Court (SC) sa mga petisyon na kumukuwestiyon sa ligalidad at ilang probisyon ng Anti Terror Act of 2020.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, welcome sa DoJ ang paghahain ng ilang grupo ng petisyon sa Korte Suprema para kwestiyunin ang kontrobersiyal na kapipirmang batas.
Sinabi ni Guevarra na ang SC ang final arbiter sa lahat ng constitutional issues laban sa naturang batas.