-- Advertisements --

Tiniyak ng mga eksperto sa bansa na binabantayan ang bagong variant ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na mayroong malaking bilang ng mutations na natuklasan sa South Africa.

Ayon kay Food and Drugs Director General Eric Domingo, iniimbestigahan na ng World Health Organization ang B.1.1.529 variant ng COVID-19.

Inaalam sa ngayon kung ito ba ay mas nakakahawa at nakakapagdulot ng mas malalang sakit.

Ngunit dahil bagong tuklas pa lamang ang variant na ito, sinabi ni Domingo na masyado pang limitado ang impormasyon na mayroong hawak ang mga eksperto ukol dito.

Samantala, sinabi naman ng OCTA Research group fellow na si Dr. Guido David na sa ngayon ay maaaring maging “serious concern” ang bagong variant na ito dahil “radically different” ito kompara sa orihinal na virus.

Bukod sa infectiousness, babantayan din aniya nila ang tungkol sa vaccine escape ng nabanggit na variant.

Sa ngayon, ipinagbawal na ng Britain ang pagtanggap sa mga biyahero mula South Africa at iba pang southern African nations dahil sa bagong variant na ito.