Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 74-taon, sasali ang Palestine sa Miss Universe pageant kung saan ang Dubai-based model na si Nadeen Ayoub ang magrerepresenta sa kanilang estado sa Miss Universe 2025.
Ipinahayag ni Ayoub sa kanyang Instagram noong Agosto 14 na itinuturing niyang malaking responsibilidad ang kanyang papel bilang kinatawan ng Palestine.
Layunin aniya nitong gamitin ang platform upang maiparating ang mga kwento at tinig ng mga kababaihan at bata sa kanilang bansa.
‘We are women with dreams, talents, and a powerful voice to offer the world. This journey is for every single girl who dares to dream beyond the headlines and for every woman shaping a better future despite the odds,’ post nito.
Kasabay nito, inilunsad niya ang proyekto na Sayidat Falasteen na magbibigay-pansin sa mga kwentong hindi madalas napapansin tungkol sa kababaihan sa Palestine.
Si Ayoub ay dati nang sumali sa Miss Earth 2022 kung saan siya ay naging Miss Earth – Water. Bukod sa pageantry, siya ay isang fitness coach at founder ng Olive Green Academy, isang kumpanya na tumututok sa sustainability at artificial intelligence.
Gaganapin ang Miss Universe 2025 sa Nobyembre 21 sa Thailand. Habang magsisilbing kinatawan ng Pilipinas ang beteranong kandidata na si Ahtisa Manalo.